MALUGOD na tinatanggap ni Vice President Sara Duterte ang pagkakataong talakayin ang legalidad ng paglilipat ng P125-M confidential funds sa kaniyang tanggapan.
Ito ang naging pahayag ng Pangalawang Pangulo kasunod ng paghahain ng petition sa Korte Suprema na ipinadedeklarang ‘unconstitutional’ ang paglipat ng nasabing pondo sa Office of the Vice President (OVP) at ipinababalik ang pondo sa kaban ng gobyerno.
“Malugod po naming tinatanggap ang pagkakataong talakayin ang legalidad ng paglilipat ng pondo. Umaasa kami na ang dunong ng Korte Suprema ay magiging daan upang tuluyang matapos ang usapin na ito,” pahayag ni VP Sara Duterte.
Samantala, sinabi naman ni VP Duterte na dapat tututukan ang tungkuling pataasin ang antas at kalidad ng edukasyon sa bansa kasabay ng pagprotekta mga mag-aaral at guro.
“Ngayon naman, tututukan natin ang mahirap na tungkulin sa pagpapataas ng antas at kalidad ng edukasyon sa ating bansa at pagprotekta sa ating mga mag-aaral at mga kawani ng DepEd mula sa lahat ng uri ng banta at pang-aabuso,” dagdag ni VP Duterte.
Aniya, mahalaga rin na pagtuunan ng pansin ang pagtugon sa mga isyung nakakaaapekto sa mga mag-aaral at kanilang pamilya.
“Napakahalagang pagtuunan rin natin ng pansin ang pagtugon sa mga mahahalagang isyu ukol sa presyo ng mga bilihin na nakakaapekto sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya,” aniya.