TATAKBO sa susunod na eleksiyon si Vice President Sara Duterte.
Bagama’t hindi klaro kung aling posisyon, nauna na siyang pinayuhan ng kaniyang tatay na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag tumakbo sa pagka-presidente.
Naghiyawan ang mga residente ng Brgy. Bago Gallera sa Davao City sa isang pagtitipon kasama si VP Duterte nitong araw ng Lunes.
Ito ay matapos inanunsiyo ni VP Duterte na tatakbo siya sa susunod na eleksiyon.
“Balita ko, sabi ng kapatid kong si Mayor Baste at ng kapatid kong si Congressman Pulong, hindi daw sila tatakbo. Baka hindi na sila tatakbo sa susunod na eleksyon. Kaya ako nandito sa inyo dahil kakampanya ako sa inyo dahil tatakbo ako sa susunod na eleksyon,” pahayag ni Vice President Sara Duterte/ COURTESY: ANNIE REMONDE BACLAYON.
Ngunit hindi pa malinaw kung para sa aling posisyon tatakbo si Vice President Duterte.
Dating Pangulong Duterte, pinayuhan si VP Sara na huwag tumakabo sa pagka-presidente
Nauna namang pinayuhan ni VP Sara ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag itong tumakbo sa pagka-presidente.
Ayon kay Pangulong Duterte, walang makukuha ang kaniyang anak sa pagiging presidente.
“Sabihin ko sa kanya (VP Sara), wala kang makuha saka maliit ‘yung sweldo,” ayon kay Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Makukuha mo iyan diyan sa labas kung mag-practice ka [ng law]. Pero kung sabihin mo na, ‘Is there something in the presidency that would make you happy?’ Wala ho. Wala,” ayon pa ka Dating Pangulong Duterte.
Pero ayon sa dating Pangulo, anuman ang maging plano ni VP Duterte sa hinaharap ay kaniya itong susuportahan.
“Pero para sa anak ko, iyan ang masasabi ko… pero kung ano man ‘yung swerte niya, I will support her, whatever that may be in the future,” diin ni FPRRD.