MAPA-motorcade man o sa mga campaign rally, hindi maitatanggi ang malawak na suporta ng taumbayan sa DuterTEN na siyang mga pambato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Senado.
Ayon kay Vice President Sara Duterte, kampante siya na matatag ang suporta para sa DuterTEN slate.
Ngunit sa kabila ng mainit na pagtanggap ng publiko, ipinunto ng bise presidente ang posibilidad ng dayaan at vote buying na aniya’y malinaw na banta sa patas na halalan.
“Well, as with any elections, hindi namin alam kung ano talaga ‘yung results. But so far, kung basehan lang naman natin yung reception o pagtanggap ng mga tao sa mga senator candidates ng DuterTEN, ng PDP, okay naman. I think we have more than a majority support. But siyempre, mayroon din kaming concerns sa dayaan at mayroon din kaming concerns sa iyong vote buying,” saad ni Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinutukoy ni VP Sara ang umano’y pamimigay ng ayuda gaya ng TUPAD, AICS, at AKAP na ginagamit umano ng mga kandidato ng administrasyon bilang bahagi ng kanilang pangangampanya.
“Kasi naririnig namin ngayon na iyong mga local candidates ng administration ay mayroon daw mga TUPAD and AICS and AKAP budget na pinamimigay. In fact, dito sa Zamboanga City, ang bali-balita ay four times a day, namimigay ng AKAP,” aniya.
Ayon sa kaniya, makikipag-ugnayan siya sa pamunuan ng PDP-Laban upang talakayin ang mga dapat gawin laban sa umano’y pag-abuso sa pamamahagi ng ayuda para sa kampanya.
Isa aniya kasi itong hakbang na tila kinukunsinti at binibigyan ng legal na proteksyon ng COMELEC sa pamamagitan ng ipinagkaloob nitong exemption.
“Kakausapin namin ‘yung partido ng PDP with regard to sa abuse ng AKAP at AICS pero ang unang-una kasi nito ay binigyan sila ng exemption ng COMELEC. Ang DSWD ay binigyan ng exemption sa mga ayuda programs nila. So, lumalabas na parang ngang legal vote buying ang nangyayari ngayon,” aniya.