NAPATAY ng mga sundalo ng 30th Infantry Battalion sa ilalim ng operational control ng 901st Infantry Brigade, 4th Infantry Division Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang isang high-ranking Communist NPA terrorist leader matapos ang nangyaring engkuwentro sa Sitio Tagulahi, Brgy. Pianing, Butuan City, Agusan del Norte araw ng Miyerkules Pebrero 12, 2025.
Nagsimula ang nabanggit na engkuwentro matapos rumesponde ang mga sundalo sa sumbong ng mga residente na mayroong presensiya ng mga armadong indibidwal sa kanilang lugar na gumagawa ng ilegal na aktibidad.
Ang nasawing komunistang NPA ay kinilalang si Myrna Sularte alias “Maria Malaya” at “Ka Iyay”. Siya’y nagsilbi bilang kalihim ng Northeastern Mindanao Regional Committee, Political Bureau Member ng Central Committee, Communist Party of the Philippines at naging Executive Committee rin ng Komisyong Mindanao.
Si Myrna Sularte ay ang asawa ng nasawing si Jorge “Ka Oris” Madlos, isang prominenteng tao sa New People’s Army National Operations Command.
Napatay si Ka Oris noong Oktubre 2021 sa isang engkuwentro sa Bukidnon.
Si Sularte ay nag-o-operate naman sa Caraga Region at Northern Mindanao at siya ang responsable sa mga kaguluhan sa mga nabanggit na rehiyon kabilang ang pagpatay sa mga sibilyan, pagsira sa mga proyekto ng gobyerno at iba pang terroristic activities sa mga lalawigan ng Surigao at Agusan.
Sinabi ng Philippine Army, si Sularte ang isa sa mga most wanted NPA leader sa bansa. Nahaharap din ito sa patong-patong na mga kaso kagaya ng multiple murder, frustrated murder, robbery with double homicide, destruction of property, at iba pang criminal offenses.
Kasunod nito, pinuri ni LtGen. Luis Rex Bergante, commander ng EastMinCom, ang hindi matatawarang dedikasyon ng Joint Task Force Diamond troops at ang suporta ng mga sibilyan na nagresulta sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Bergante, nalulungkot siya sa nangyari, dahil nitong mga nagdaang buwan, sinisikap umano nilang makausap si “Maria Malaya” para hikayatin na sumuko.
“It is unfortunate that things had to end this way. Over the past few months, we have made numerous attempts to reach out to her,” pahayag ni LtGen. Luis Rex Bergante, Commander, EastMinCom
Katunayan aniya, nitong nakaraang linggo, nasa mahigit 200 na mga dating rebelde ang sumuko kasama ang kanilang mga armas.
“In fact, just last week, we presented 232 former rebels with their surrendered firearms,” dagdag pa ni Bergante.
Ipinaabot naman ng opisyal ang kaniyang pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng NPA leader at nanawagan sa mga natitirang miyembro ng komunistang grupo na tigilan na ang armadong pakikibaka at sumuko nang mapayapa.
“This also highlights the Command’s unwavering commitment to support those who choose the path of peace. Through various forms of government assistance, we are helping them reintegrate into mainstream society and offering them the opportunity to rebuild their lives for a brighter future,” ani Bergante.