WHO at DOH, nangangamba sa COVID-19 surge ngayong Ramadan – Sec. Galvez

WHO at DOH, nangangamba sa COVID-19 surge ngayong Ramadan – Sec. Galvez

NANGANGAMBA ang Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) sa posibleng pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Ramadan.

Nanatili pa ring mababa ang vaccination coverage sa BARMM kaya naalarma ang WHO at DOH na baka ay magkaroon ng mini surge sa selebrasyon ng Ramadan.

Inilahad sa Talk to the People kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na wala pa sa isang milyon ang nababakunahan ng second dose sa BARMM o nasa 25% pa lamang.

Dahil sa mababang vaccination turnout sa BARMM ani Galvez, nagbabala ang WHO at DOH na baka sumipa ang kaso ng COVID-19 sa selebrasyon ng Ramadan

“At ito rin po ang isang pinakamalaking problema po natin, Mr. President, na binigyan din tayo ng alarma at warning ng WHO, ito pong mababang vaccination sa BARMM. Unang-una po sa lahat, nagkaroon na po tayo ng — nag-start na po tayo ng celebration ng Ramadan at natatakot po ang WHO at saka ‘yung DOH na baka magkaroon tayo ng tinatawag na mini surge dito sa area ng BARMM dahil napakababa pa po ng coverage na 25 percent,” pahayag ni Galvez.

Paliwanag ni Galvez, nagkakaroon ng vaccine preference ang mga kapatid nating Muslim dahil ang paniniwala sa ilan sa kanila  aniya ay hindi Halal o hindi pinapayagan sa Islamic law ang mga bakuna kontra COVID-19.

Isa rin sa mga nakikitang dahilan ng mababang vaccine turnout sa nasabing rehiyon ay ang mga kumakalat na fake news at ang accessibility ng mga bakuna sa mga malalayong lugar tulad ng Tawi-Tawi at Basilan.

Target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 3.5 milyon na mga indibidwal sa BARMM pero nasa higit 957,000 pa lang ang fully vaccinated.

Pagbabakuna sa BARMM, mas palalawigin

Sa ngayon ani Galvez puspusan ang ginagawang hakbang at ang pagpaplano ng gobyerno upang mapalawig ang bakunahan sa BARMM katuwang ang mga LGU roon.

Kabilang na rito ay ang planong pagsasagawa ng bakunahan sa loob ng mga mosque at masjid.

Bakunang Johnson and Johnson na single dose naman ang gagamitin para mas mapabilis ang bakunahan sa BARMM.

“At ang sinabi nga po niya ay magpapalabas sila ng tinatawag na Darul-ifta, ‘yung Darul-ifta ‘yung parang fatwa na ‘yung lahat ng mga masjid at saka mga mosque ay gagawin nilang vaccination site,” ani Galvez.

“So during Friday, during ano po, during pagsamba po ng ating mga kababayan na mga Muslim ay gagawin pong ano, gagawin pong parang vaccination site itong mga mosque at saka mga masjid na pupuntahan po nila. And then ‘yun pong social preparation gagawin po natin ‘yan the whole month of Ramadan. And then also ide-deploy din po natin ‘yung J&J single dose para mapabilis po lahat,” dagdag ni Galvez.

 

Follow SMNI News on Twitter