IKINOKONSIDERA ng Department of Transportation (DOTr) na alisin ang mga X-ray scanners sa mga MRT-3 station bilang bahagi ng kanilang hakbang na mabawasan ang pila at mas mapadali ang pagpasok ng mga pasahero. Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, layunin nitong mapabilis ang proseso ng inspeksiyon at maiwasan ang matagal na paghihintay sa mga istasyon.
Inihayag ng kalihim na maaaring gumamit ng ibang teknolohiya, tulad ng AI cameras na may facial recognition, na karaniwan nang ginagamit sa mga MRT, subway, at iba pang transport systems sa ibang bansa. Ang teknolohiyang ito ay inaasahang makatutulong upang mapabilis ang security checks nang hindi kinakailangan ng manual na X-ray screening.
Sa kasalukuyan, ang mga pasaherong walang bag o bitbit ay hindi na kailangang dumaan sa X-ray inspection, na nagpapabilis din sa kanilang pagpasok sa mga istasyon ng MRT.
Ang DOTr ay patuloy na nagsasagawa ng pagsusuri at pagtukoy ng mga solusyon upang mapanatili ang seguridad ng mga pasahero, habang pinapabilis ang mga proseso sa mga istasyon.