Consultancy firm, ipinasara ng DMW dahil sa ilegal na pag-aalok ng mga trabaho sa Canada

Consultancy firm, ipinasara ng DMW dahil sa ilegal na pag-aalok ng mga trabaho sa Canada

PINANGUNAHAN ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac ang pagsasara ng Dream Pathway Education and Immigration Services dahil sa ilegal na pagre-recruit nito ng mga Filipino nurse, caregiver, nursing aides, at welders sa Canada.

“Dream Pathway is among the unauthorized entities that take advantage of Canada’s immigration programs, which are used as a gateway to Canada for temporary work before reaching permanent residency. Besides not getting the right license from the DMW, they charge excessive processing fees to the hopeful applicants,” ayon kay Usec. Hans Leo Cacdac, Officer-in-Charge, DMW.

Sinabi ni Cacdac, ang Dream Pathway ay kabilang sa mga hindi awtorisadong entity na sinasamantala ang mga programa sa immigration sa Canada na ginagamit bilang gateway para sa pansamantalang trabaho bago makamit ang permanenteng paninirahan doon.

Bukod sa hindi pagkuha ng tamang lisensiya mula sa DMW, naniningil sila ng labis na processing fees sa mga umaasang aplikante.

Ayon sa DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) nito at sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga opisyal ng pulisya, ay na-padlock ang main office ng Dream Pathway sa Mandaluyong City, at ang tatlong sangay nito sa Cabanatuan City, Nueva Ecija; Apalit, Pampanga; at Lipa City, Batangas.

Ang DMW-MWPB ay nagsagawa ng surveillance operations at dito nabatid na ang Dream Pathway ay nag-aalok ng iba’t ibang trabaho sa Canada na may P110,000 professional fee sa ilalim ng Atlantic Immigration Pilot (AIP) program.

Ang mga Pilipinong patungo sa Canada sa ilalim ng AIP ay dapat sumailalim sa contract verification at DMW documentary processing bilang OFW legal documentation maging ito ay direct hire processing o licensed Philippine recruitment agency.

Ipinag-utos din ni Cacdac na harapin ng Dream Pathway ang mga kasong illegal recruitment at hinimok ang mga biktima ng consultancy firm na makipag-ugnayan sa DMW bilang tulong sa pagsasampa ng mga kaso laban sa ahensiya.

Ang mga opisyal at tauhan ng kompanya ay isasama sa “list of persons and establishments with disreputable records”.

Hindi rin sila papayagan na lumahok sa overseas recruitment program ng pamahalaan.

Pinapaalalahan din ng DMW na ang lahat ng mga Pilipinong nakatakdang magtrabaho sa Canada ay dapat sumailalim sa tamang verification ng dokumento at pagproseso sa DMW bilang migrant workers.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble