Mga humarang sa MAISUG Rally sa Bustos Bulacan, kakasuhan; Hakbang, suportado ni FPRRD

Mga humarang sa MAISUG Rally sa Bustos Bulacan, kakasuhan; Hakbang, suportado ni FPRRD

LUMAPIT sa SMNI Newsteam si Mang Ferdinand matapos maharang sa pupuntahang rally sa Bustos, Bulacan Linggo ng umaga, Abril 28.

Saad niya, kahit mga tricycle sa Bustos ay ayaw silang pasakayin matapos mag-suot ng t-shirt na sumusuporta sa MAISUG Defend the Flag Peace Rally ng mga supporter ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Dahil noong araw po, mga panahong nagdaan wala pong pumipigil sa aming karapatan para magpahayag kami ng aming hinaing sa gobyerno,” pahayag ni Ferdinand delos Reyes, pumunta sa Bulacan Rally.

Kaya sa isang press conference sa San Juan City, ay nagpaliwanag ang organizers ng aktibidad kung bakit hindi natuloy ang pagsasagawa ng mapayapang rally.

Ayon sa co-convenor ng grupo, nanggaling umano sa Malacañang ang pressure sa mga lokal na opisyal ng Bustos para pigilan ang event.

Hinala ng grupo, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapigil sa peace rally.

“Bakit tila po sindikatong mafia ang datingan? Walang kawala eh!” ayon kay Placido Pilosopo, Lead Convenor.

“Pagka-sinabi po nating chain of command, hindi gagawin noong nasa ibaba ‘yan nang walang matinding utos sa itaas. Hamakin po ninyo dumaan si Lieutenant Col. Pababa po sa Police Staff Seargent. Sino kaya ‘yung nasa likod ni Lieutenant Col? It must be the provincial director! Ang tanong, sino po kaya ang nasa taas ni Provincial Director? It must be the regional director and so on and so on. Ang pinaka-dulo po nito, tatama po to doon sa tinatawag na pinamakataas po sa kanila. And sino po ‘yan? Sino po ‘yan sa tingin ninyo? Ito po ay ang presidente ng Pilipinas! si BBM!” dagdag ni Pilosopo.

Saad pa ni Pilosopo, bakit ang mga makakaliwa hinahayaan ngayon ng gobyerno na mag-rally?

Gayong sila sa kanilang grupo ay hindi naman kalaban ng pamahalaan?

At ang nais lamang nila na manawagan sa gobyerno.

“Kami naman po ay hindi naman komunista, hindi naman terorista at lalong-lalo hindi kami kalaban ng gobyerno. Nais lang ho naming ihayag ang damdamin ng taumbayan,” ani Pilosopo.

Matatandaan na pinarada sa entrance ng venue ng MAISUG Rally sa Bustos ang isang trailer truck para hindi makapasok ang organizers at attendees.

Natakot na rin ang supplier ng light and sounds na magpunta dahil sa matinding pressure.

Dagdag pa ayon sa organizers ang pagpapahirap ng local government sa kanila na makakuha ng permit kahit hindi na kailangan.

Hindi naman kasi government land ang venue kundi isang pribadong lote.

“Itong peace rally na isasagawa pinerwisyo ng mga dorobo. Kitang-kita po namin ‘yan kasi nag-tulong-tulong ‘yung hanggang PNP o hanggang ‘yung tao. Imagine ‘yung tao, sino-soli ‘yung pera ayaw na nila talaga-simpleng tao lang sila,” aniya.

Para naman kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, labag sa Saligang Batas ang pag-harang ng Bustos LGU sa MAISUG Rally.

“Alam mo nasa Constitution iyan, mabigat iyan — to peacefully assemble for redress of grievance. It is a Constitutional right of everybody. And you just cannot violate it, kasi magkakaroon ka ng kaso niyan. At ang hatol niyan is dismissal from service,” saad ni Rodrigo Roa Duterte, Former Philippine President.

Kaya ang organizers, pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kaso sa lahat ng mga humarang sa aktibidad.

Suportado naman ito ni dating Pangulong Duterte.

”Ako dumaan ng pagka presidente, at nung mayor ako, hindi ko ginawa iyan sa buhay ko. Huwag kayong maghanap ng sakit ng ulo. Kasi pag na-filean kayo ng kaso — si Bongbong Marcos hindi magtatagal diyan, balang-araw bababa iyan — ang kaso ninyo, sarili ninyong sakit ng ulo iyan,” ani FPRRD.

“So ‘pag ito po pinayagan po natin ito na hindi natin gagawan ng kaukulang legal na aksyon, wala na po tayong kalayaan sa pagsasalita,” dagdag ni Pilosopo.

“Hindi ho natin pwedeng palagpasin ang mga ganitong pagkakataon. Meron po tayong mga legal remedies na pwedeng gawin po rito, iaanounce po namin sa inyo later on kung anong mga planong gagawin,” wika ni Bishop Edwin Maniti, Lead Convenor, Bulacan Maisug Rally.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter