Sen. Padilla tiniyak na hindi titigil sa pagsulong sa AFP Modernization

Sen. Padilla tiniyak na hindi titigil sa pagsulong sa AFP Modernization

TINIYAK ni Sen. Robin Padilla na patuloy niyang susuportahan ang pagsusulong ng AFP Modernization.

Ayon sa senador, ito ay para hindi ma-bully ng mga banyaga ang puwersa ng Pilipinas partikular na sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.

“Magiging maingay kami sa pagsulong ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, lalo na ng Philippine Navy para sa pagtatanggol ng ating teritoryo.”

Ito ang pangako ni Sen. Padilla matapos bisitahin sa BRP Tarlac sa Subic ang mga empleyado ng Senado na lumalahok sa Basic Citizen Military Course (BCMC) noong Lunes ng hapon, Abril 22, 2024.

“Ang ibig sabihin nito, may kakampi kayo sa Senado na patuloy na palalakasin natin ang modernization. ‘Yan ang pinapangako namin sa inyo, hindi kami magiging bulag, hindi kami magiging bingi sa pangangailangan ng sundalo,” pahayag ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla. Dagdag ni Padilla, tiyak na may susuporta na mga reservist mula sa Senado, sa oras na makumpleto nila ang BCMC.

“Asahan po ninyo na itong inyong mga reservist, pagbalik niyan sa Senado, meron po kayong base ng Philippine Navy doon, Asahan ninyo magiging maingay kami pagdating sa modernization ng Navy,” diin ni Sen. Padilla.

Ginunita rin ni Padilla ang karanasan niya nang makasama niya ang Navy at nakipaghabulan sila sa China Coast Guard sa West Philippine Sea noong 2021.

Doon niya nakita na ang matapang na pagharap ng mga Pilipino sa malaki at armadong barko ng China Coast Guard.

Rubber boat lang ang sasakyan ng mga Pilipino na tumirik pa ang makina.

Ani Padilla, nang tanungin sila ng taga-China Coast Guard kung bakit sila nandoon ay matapang pa rin silang sinagot ng mga Pinoy na “amin ito.”

“Anong lesson sa nangyari sa atin? Huwag tayo magpapa-bully. Kahit na sila ang pinakamalaki, sila ang sinasabi nating pinakamayaman, ang asset natin ang kabayanihan ng ating sundalo. Maaasahan natin at ‘yan ang nakita ko,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble