IPINALAAM ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion na malapit nang ma-expire sa susunod na buwan ang milyong-milyong COVID-19 vaccines na binili ng mga private sector.
Ito ang kanyang inihayag sa isang virtual interview sa Pandesal Forum araw ng Martes.
Sinabi pa ni Concepcion, ang pag-expire ng mga bakuna ay aksaya lamang ng pera.
Giit pa nito, ikinalulungkot nila bilang nasa pribadong sektor ang nasayang na mga bakuna dahil kung mababatid nasa 5 dolyar kada dose ng bakuna ang ginastos ng mga ito.
Dahil dito, hinimok ni Concepcion ang Health Technical Advisory Council (HTAC) na buksan na ang pagbabakuna sa 2nd booster shot sa lahat ng general population.
Ito ay upang mabilis na mabakunahan ang publiko at mapigilan pa ang pagtaas ng kaso ng nahahawan ng COVID-19.
At nang sa ganon ay walang bakunang masayang dahil sa limitado lang ang maaring makatanggap ng 2nd booster.
Sinabi pa ng dating Presidential Adviser for Entrepreneurship na ang mga nag-expire na COVID-19 vaccines ay nakuha ng pribadong sektor sa pamamagitan ng tripartite agreement.
Upang maiwasan ang pag-aaksaya, muling umapela si Concepcion sa HTAC na payagan nang makatanggap ng 2nd booster shot ang lahat hindi lamang sa mga vulnerable o immunocompromised.
Giit nito, sa oras na tumaas ang vaccination rate lalo na sa pagbabakuna ng booster shot, malaking tulong ito upang tuloy-tuloy na sumigla ang ekonomiya ng bansa.
At upang hindi na bumalik pa sa dating karanasan na maraming sektor ang nahirapan dahil sa pagpapatupad ng lockdowns dahil sa matinding pagtaas ng kaso.