INIHAYAG ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, maaring maapektuhan ang 1.8 milyon na mga business workers kung ipapatupad sa National Capital Region (NCR) Plus ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Una rito, inirekomenda ng Metro Manila Council ang pagpapatupad ng dalawang linggong ECQ sa NCR Plus dahil sa nagpapatuloy na pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID mula sa nagsusulputang Delta variants.
Kabilang sa maisasailalim sa pinakamahigpit na ECQ ay ang ilang karatig lalawigan gaya ng Cavite, Bulacan at Rizal.
Ayon sa MMC, hinihintay na lang nila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force kung maipapatupad ba sa NCR Plus ang dalawang linggong ECQ.
Samantala, binigyang diin ni Sec. Lopez na epektibo ang kanilang ginagawang programa upang matulungan ang mga Micro, Small, Medium Enterprises.
Isa sa mga ginagawang programa nito ay ang Pondo Asenso kung saan umabot na 220,000 beneficiaries ang natulungan ng nasabing programa.
Ayon sa kalihim, ang nasabing programa ay sinimulan bago pa man nanalasa ang coronavirus sa bansa.
Kasabay nito, nailunsad rin ng ahensya ang CARES program na inumpinsahan din bago ang pandemya, ngayon ay nasa P5 billion ang budget, hanggang Hulyo 29 P4.8 billion o mahigit 30 ang napahiram, ang nasabing P5 bilyon ay inilaan mula sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2.
“And kung matanong ninyo, bakit kung paubos na, paano na? So gumawa na rin ho kami ng paraan, thank you to Secretary Berna ng DOT, iyong allocation for Tourism habang hindi pa open iyong ibang tourism establishments ay ipapahiram po natin dito sa SMEs. At iyon po ay ibabalik natin iyong pondo na iyon in the new 2022 budget. That is P1.5 billion. And we are also applying, parang manghihiram kami sa DBP ng P15 billion pandagdag puhunan dito sa CARES program,” ayon kay Lopez.
Inaasahan naman ni DTI Sec. Lopez na makakatulong pa ang nga nasabing programa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malaking budget.
BASAHIN: P105-B kita, maaaring mawala sa loob ng 2 linggong ECQ — Karl Chua