NGAYONG International Women’s Day, aabot sa isandaang mga kababaihan mula sa grupong Gabriela ang nagbalik na sa gobyerno sa Bagac, Bataan.
Ito ang ibinalita ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) Spokesperson Usec. Lorraine Badoy.
“100 na members ng Gabriela Bagac, dito sa Bataan ay nag disaffiliate na; nabuwag na ang Gabriela dito,” pahayag ni Badoy.
Ani Badoy, napakahalaga nitong pagsuko ng mga miyembro ng Gabriela sapagkat naniniwala siya na huwad na womens group ang Gabriela.
Bukod pa rito, ani Badoy, ang Gabriela ay isang worst offender ng karapatan ng mga kababaihan.
Kabilang na rito ang hindi pagtatanggol ng Gabriela sa mga kababaihan na nagagahasa sa pagsali ng mga ito sa mga rebeldeng grupo.
Inihayag din ni Badoy na marami sa mga kababaihan ang namatay sa pagsali nila sa Gabriela na kalaunan ay naging New People’s Army (NPA).
Matatandaan na mismong si dating Senator Juan Ponce Enrile ay nagsabing isang front organization ng komunista ang Gabriela.
“Gabriela, front organization ng komunista yan, eh. Noong panahon namin ganyan na yan,” pahayag ng dating senador.
Ayon pa kay Enrile na tama ang ginawa ni Armed Forces of the Philippine Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na balaan ang mga artistang si Liza Soberano at 2018 Miss Universe Catriona Gray sa pakikipag-ugnayan sa grupo.
“Tama naman si Gen. Parlade kung ganoon. Noong araw mayrong beauty queen na kasama nila, sasama diyan eh. Hindi ngayon lang ‘yan, marami, may mga antecedents na,” ayon pa sa dating senador.
Binalaan noon ni Parlade sina Catriona Gray at Liza Soberano na kilalanin muna ang Gabriela bago suportahan ang nasabing organisasyon.