109 LGUs na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño, na nakaapekto na sa 459,000 Pilipino o katumbas ng 123,000 pamilya sa bansa, ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Junie Castillo.
Mahigit anim na bilyong piso naman ang naitalang pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa epekto ng tagtuyot.
Sa kabila nito, patuloy ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong sektor.
Kabilang dito ang livelihood assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng TUPAD program, tulong-pinansiyal ng DSWD sa mga magsasaka at mangingisda, at iba pang programang pangkabuhayan.
“Patuloy ang mga interventions na ginagawa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para po sa mga kababayan nating apektado. Kami po sa Office of Civil Defense, isa kami sa naatasan na mag-monitor nitong mga implementation of the Strategic National Action Plan on El Niño,” pahayag ni Junie Castillo, Spokesperson, OCD.
Pinalalakas din ng pamahalaan ang suplay ng tubig sa pamamagitan ng mga karagdagang deep well, water treatment facilities at mga proyektong patubig.
Dagdag ni Castillo, nakahanda rin ang OCD at iba pang ahensiya na mag-deploy ng water filtration units upang matiyak ang suplay ng malinis na tubig sa mga lugar na nangangailangan.
Kaugnay nito, hinimok din niya ang publiko na magtipid at mag-imbak ng tubig, iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw at agad kumonsulta sa mga health center kung makaranas ng anumang karamdaman.
“Katuwang din ang mga pribadong sector, tayo po ay puspusan ang ginagawang aksyon laban sa banta ng nararanasang epekto ng El Niño. At sa ating mga kababayan, bawat isa po sa atin siyempre ay mayroon tayong puwedeng maitulong at maiambag sa sitwasyon na ito,” dagdag ni Castillo.
Pinayuhan din ang publiko na kumuha lamang ng tamang impormasyon mula sa mga lehitimong ahensiya at mapagkakatiwalaang media sources.
