P1.5-milyong halaga ng marijuana, binunot at sinira sa Benguet

P1.5-milyong halaga ng marijuana, binunot at sinira sa Benguet

Tinatayang P1.5-milyong halaga ng mga halaman ng marijuana ang binunot at sinira ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Kibungan, Benguet.

Isinagawa ang operasyon noong Nobyembre 24 sa Sitio Bakbakan, Poblacion, Kibungan, ng Benguet Police Provincial Office (BPPO) sa pamamagitan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), kasama ang iba’t ibang yunit ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nadiskubre sa isang communal forest ang dalawang plantasyon ng marijuana na may kabuuang 7,525 fully grown marijuana plants.

Umabot sa 4,375 halaman ang nakitang itinanim sa unang plantasyon, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱875,000, habang 3,150 halaman naman ang nadiskubre sa ikalawang plantasyon na may halagang ₱630,000.

Matapos ang dokumentasyon, binunot at sinunog sa lugar ang lahat ng nakumpiskang halaman ng marijuana.

Follow SMNI NEWS in Twitter