Isang Pinoy na may warrant of arrest dahil sa kasong terrorism financing ang dinakip pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos manggaling sa South Korea.
Dinakip ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at PNP Aviation Security Group ang pasahero sa International Arrival Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City nitong Martes.
Ayon sa PNP Aviation Security Group, isinagawa ang operasyon matapos makipag-ugnayan ang CIDG sa NAIA Police Station 3 upang ipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 7 sa Batangas City.
Nahaharap ang hindi pinangalanang suspek sa kasong paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 o Republic Act No. 10168, na may inirekomendang piyansang P200,000.
Dumating ang pasahero sakay ng flight mula Incheon, South Korea, kung saan siya sinalubong at inaresto ng mga awtoridad.
Ipinaalam din sa kaniya ang dahilan ng pag-aresto at ang kaniyang mga karapatan sa wikang nauunawaan niya.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa punong tanggapan ng CIDG Regional Special Operations Team 4A sa Canlubang, Laguna, para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Ayon kay PNP Aviation Security Group Director PBGen. Dionisio B. Bartolome Jr., patuloy ang kanilang pagbabantay at pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang seguridad sa mga paliparan at mahuli ang mga taong umiiwas sa batas.
“Through vigilance and strong law enforcement partnerships, we will ensure that our airports remain secure and that those evading the law are held accountable,” ayon kay Director PBGen. Dionisio B. Bartolome, Jr., PNP AVSEGROUP.
