Umabante sa championship finals ng Copa La Martina ang GlobalPort Polo Team ni Mikee Romero matapos ang 12-10 comeback win kontra Jehangiri Polo sa Argentina.
Bumawi mula sa tatlong goal na pagkakaiwan ang koponan at nagtala ng limang goal sa huling chukker upang makuha ang panalo sa naturang laban.
Nanguna sina Mariano Obregon at Ignacio Miguens na may tig-apat na goal, habang nagdagdag ng tatlo si 16-anyos Inigo Heguy. Umiskor din ng isa si Romero.
Ito ang unang pagkakataong makapasok sa championship final ng torneo ang isang koponang kumakatawan sa Pilipinas. Lalaban ang GlobalPort para sa titulo sa Nobyembre 27.
