Paggamit ng tuktuk ni Marcos Jr. sa ASEAN Summit, nakakadismaya—LTOP

Paggamit ng tuktuk ni Marcos Jr. sa ASEAN Summit, nakakadismaya—LTOP

Kinuwestiyon ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) ang paggamit ni Marcos Jr. at iba pang lider ng ASEAN ng tuktuk o e-tricycle sa pagbubukas ng 49th ASEAN Summit noong Nobyembre 15.

Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, hindi lamang ito usapin ng pagpili ng sasakyan kundi ng pagkilala sa sariling industriya ng transportasyon ng bansa.

Giit ng grupo, passenger jeepney ang dapat na ginamit ng Pangulo at mga lider ng ASEAN dahil ito ang kinikilalang simbolo ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas.

Para kay Marquez, nakakadismaya na ibang uri ng sasakyan ang ipinakita ng bansa sa isang international event.

“Kilala ang Pilipinas sa ating mga passenger jeep na simbolo ng ating bansa sa public transportation pero sana ito ang ginamit ni PBBM sa ASEAN Summit at hindi tuktuk na galing sa ibang bansa,” saad ni Orlando Marquez, President, LTOP.

Bukod sa paggamit ng tuktuk, ikinabahala rin ng grupo ang kawalan umano ng tulong pinansiyal para sa mga tsuper at operator na naapektuhan ng pagsasagawa ng ASEAN Summit.

Ayon kay Marquez, may mga vendor umanong nakatanggap ng ayuda, ngunit hindi kabilang dito ang kanilang sektor kahit nawalan din sila ng kita dahil sa kanselasyon ng operasyon.

“Nakakalungkot lang na mga vendor lang ang nabigyan ng ayuda nung ASEAN Summit pero kaming nasa sektor ng transportasyon ay hindi nabigyan ng tulong sa panahon ng pagsasagawa ng ASEAN. Apektado kabuhayan namin dito dahil walang pasok, wala din kaming kita sa mga araw na ginanap ang ASEAN,” giit nito.

Hindi rin umano sapat ang naging epekto sa kanilang sektor ng tatlong beses na rollback sa presyo ng produktong petrolyo.

Paliwanag ni Marquez, mas malaki pa rin ang kabuuang itinaas ng presyo ng langis kumpara sa naging rollback.

Kinondena rin ng grupo ang mga kompanya ng langis dahil sa umano’y pagtataas ng presyo ng petrolyo kahit mas mababa ang presyong pinagbilhan nila ng kanilang suplay.

Para sa LTOP, hindi sapat na maipakita lamang sa international community ang mga sasakyang ginagamit sa Pilipinas.

Mahalaga rin umanong kilalanin ang kalagayan ng mga tsuper at operator na bahagi ng pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon sa bansa.

Matatandaan na gumastos ang Marcos Jr. government ng mahigit P22 bilyon sa hosting ng ASEAN Summit.

 

RELATED STORIES:

₱22B sa ASEAN Summit 2026, hindi tugma sa resulta—ex-DND chief

P22.9-B gastusin sa ASEAN chairmanship, kinuwestiyon ni Sen. Imee

TFK: ASEAN hosting, hindi dapat mauwi sa photo ops lang

 

Follow SMNI NEWS in Twitter