110K automated counting machines mula sa Miru, inaasahang makukumpleto sa Disyembre 2024—COMELEC

110K automated counting machines mula sa Miru, inaasahang makukumpleto sa Disyembre 2024—COMELEC

BILANG paghahanda sa midterm elections sa susunod na taon, 110,000 na automated counting machines (ACMs) ang inupahan ng Commission on Elections (COMELEC) mula sa South Korean firm na Miru Systems.

Ito ang inihayag ni Director John Rex Laudiangco, ang tagapagsalita ng COMELEC.

Sa Agosto, ani Laudiangco, darating na ang unang 20,000 machines.

“Inaasahan po namin na sa buwan na ito darating ang unang 200 na kung saan lahat ng hiniling na customization features ng COMELEC ay meron na. ‘Pag ito ay naaprubahan na sa susunod na buwan pagdating ng Agosto, darating na ang unang 20,000 machines,” pahayag ni Dir. John Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.

Sa susunod na buwan, inaasahan namang darating ang nasa 30,000 ACMs.

Tuluy-tuloy ang pag-deliver sa bansa ng mga bagong makina na ito hanggang sa makumpleto ang 110,000 machines pagsapit ng Disyembre ngayong taon.

Tiniyak ng COMELEC na walang magiging antala sa pagdating ng mga makinang ito na gagamitin sa midterm polls.

Samantala, muling nilinaw ng COMELEC na inuupahan lang ang mga bagong makina at hindi binili.

“Itong mga bagong makina ay hindi binili ng COMELEC, inuupahan lang ito para garantisado na ang lahat ay bago, modernong teknolohiya. Hindi babayad ang COMELEC ng warehouse, hindi babayad ng taong magmi-maintain at ng piyesa, At higit sa lahat hindi kami magbabayad ng insurance premium sa ating GSIS. Mahigit daang milyong ang natipid ng COMELEC,” dagdag ni Laudiangco.

Base sa pag-aaral ng COMELEC, maganda ang performance ng mga bagong election machines mula sa Miru Systems.

Ibinahagi ni Laudiangco na nitong nakaraang buwan, dumating ang 20 na demonstration machines.

Pinasubok ng COMELEC sa mga guro, mag-aaral at ilang opisyales ng pamahalaan ang demonstration machines ng bagong ACM.

Maayos aniya ang paggana at maayos ang sistema ng bagong makina.

“Kami’y nasa Rizal College of Taal, Batangas po ‘no at sa init po ng panahon na ito ay gumana po flawlessly ang ating demonstration machine ng bagong ACM,” aniya.

Ibinahagi naman ni Laudiangco ang ilang pinakamahalagang feature ng mga bagong makina at mga pagkakaiba nito mula sa lumang vote counting machines ng mga nakaraang halalan.

“Una po sa lahat, naging napakabilis po ng pagbasa ng ating makina. 200 millimeters per second kumpara doon sa dati na 70 millimeters per second lamang po. Ikalawa, ang kagandahan po dito, kung sa dating mga makina – iyong PCOS at VCM ay pagpasok po ng ating balota, hindi natin alam kung papaano binilang ang ating boto except sa resibo. Dito po, may malaking screen kung saan ang botante pa lamang po, pagpasok niya ng balota, makikita niya ang imahe mismo ng balota at ang pagkakasuma kung papaano binilang iyong kaniyang balota,” dagdag nito.

Kamakailan lang ay binisita ng ilang opisyal ng COMELEC sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia ang planta ng Miru Systems, isang kompanya sa South Korea na kinontrata para magbigay ng automated technology para sa 2025 mid-term elections.

Ipinakita ng Miru sa delegasyon ng Pilipinas ang step-by-step na proseso nito para makagawa ng mga makina na gagamitin ng Pilipinas sa eleksiyon sa susunod na taon.

Samantala, sinabi ng COMELEC official na tuluy-tuloy pa rin ang registration ng mga botante hanggang Setyembre 30, Lunes hanggang Biyernes, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa iba’t ibang tanggapan ng COMELEC.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter