DALAWAMPU’T limang taon ang nasayang sa buhay ng dalawang lalaki sa Georgia pagkatapos mapatunayang hindi sila ang tunay na suspek sa isang pagpatay, dalawang dekada na ang nakakaraan.
Ang mga residente ng Floyd County, Georgia na sina Lee Clark at Josh Storey ay parehong 17 taong gulang nang mamatay ang kanilang kaibigan na si Brian Bowling dahil sa tama ng bala sa ulo nito habang naglalaro ng Russian roulette.
Ang dalawang binatilyo, inakusahan at nahatulan sa pagpatay at nasentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong.
Pagkatapos ng 25 taon sa preso, napatunayang hindi sila ang suspek.
Sa tulong ng Georgia Innocence Project at isang podcast, na Proof Crime Podcast, naungkat ang iba’t ibang mga ebidensya na nagsasabing hindi sila ang pumatay sa kanilang kaibigan.
Sa talakayan ng Proof Crime Podcast, ang babaeng tumestigo sa kanilang pagkakakulong ay umamin na pinilit lamang siya ng mga pulis noon na magbigay ng false statements at binantaan siyang kukunin ang kanyang mga anak kung hindi ito tetestigo.
Ngayon, si Clark at Storey ay 43 taong gulang na.
Pagkatapos na masayang ang 25 taon sa preso, wala silang ibang nais kundi makapagbagong buhay kahit aminado sila na matatagalan pa umano bago sila makapag-adjust sa buhay sa labas ng mga pader ng bilangguan.
Humingi naman ng paumanhin si Judge Neidrach sa ngalan ng estado ng Georgia at Floyd County sa panahon ng pagdinig sa korte, na isang mahalagang hakbang umano para makapagsimula.
Ayon sa pagtatantsa ng Innocence Project, aabot sa 20 libong mga tao sa Amerika ay nasa bilangguan at maling nahatulan.