2 nasawing healthcare workers sa Region 2, dahil sa COVID-19, hindi sa vaccine

CORONAVIRUS disease 2019 (COVID-19) ang dahilan ng ikinasawi ng dalawang healthcare workers (HCWs)  sa Region 2 at hindi ang bakuna ayon sa isang Health official.

Kabilang sa mga nasawi ay isang retiradong doktor sa probinsiya ng Nueva Vizcaya at isang midwife sa probinsiya ng Isabela.

Ayon kay Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire, nabakunahan ang dalawang healthcare worker noong Marso.

“Dr. Ciring Galindez died of COVID and not because of being vaccinated. Just to make it clear, Dr. Ciring who was once our medical center chief in the hospital in Region 2, died of COVID,” pahayag ni Vergiere.

Si Galindez ay isa sa mga indibidwal  na nahawaan ng virus sa Nueva Vizcaya at nasawi noong Abril 2.

Naging chief ang doktor sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya hanggang 2016.

“Yung sa San Mateo din, died of COVID,” saad ni Vergeire na tinukoy ang isang midwife sa San Mateo, Isabela.

Nabakunahan ang midwife laban sa COVID-19 ngunit nasawi noong Marso 25.

Una nang sinabi ng DOH na ang mga bukana laban sa COVID-19 sa bansa ay walang kinalaman sa virus matapos itong mabakunahan.

Gayunpaman, may posibilidad na mahawaan ang isang indibidwal kapag nakasalamuha nito ang may virus 14 araw bago ang unang dosis ng COVID-19 vaccine at ang mga araw sa pagitan ng unang dosis at ikalawang dosis bago pa man magkaroon ng antibodies ang katawan mula sa bakuna.

(BASAHIN: Ireland, isinuspinde ang paggamit ng AstraZeneca vaccine matapos ang naiulat na blood clots sa Norway)

SMNI NEWS