22 dating NPA, direktang sumuko sa kapulisan sa Davao City

22 dating NPA, direktang sumuko sa kapulisan sa Davao City

SABAY-sabay na sumuko ang 22 na mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga dating nakikisimpatya sa Underground Mass Organization (UGMO) sa Paquibato District sa Davao City kamakailan lang.

Ang mga nasabing rebelde ay dating nakadestino sa Paquibato District at sa iba pang mga karatig lalawigan sa Davao del Norte.

May mga nakabinbin ring warrant of arrest ang mga sumuko sa Police Station Number 7 ng Davao City Police Office.

Ilan sa mga kasong nakabinbin laban sa mga ito ay kidnapping at serious illegal detention, rebellion, arson, robbery by band, murder, frustrated murder, attempted murder at grave threats.

Sa tulong ng masusing negosasyon at koordinasyon ay mapayapang sumuko ang mga nasabing indibidwal sa mga opisyal ng pulis sa pangunguna ni Police Major Marvin Hugos, station commander at lahat ng mga punong barangay sa Paquibato Dist., Davao City.

Kabilang din sa mga tumulong sa pagpapasuko ay ang mga miyembro ng Peace 911, City Intelligence Unit at ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sumuko ang mga dating rebelde sa Barangay Malabog na dinaluhan naman ni City Director Police Col. Kirby John Kraft, Atty. Elisa Evangelista-Lapiña, punong barangay ng Paquibato Dist. at mga kinatawan ng AFP at Peace 911 legal cluster.

Samantala, patuloy naman ang revitalized pulis sa barangay na programa ng kapulisan kung saan magiging katuwang nito ang barangay sa paghahatid ng serbisyo na ayon sa pangangailangan ng isang komunidad.

(BASAHIN: Mga rebeldeng sumuko sa Sultan Kudarat, nangakong hindi na babalik sa NPA)

SMNI NEWS