TULUY-tuloy na nga ang pagbabayad ng Saudi Government sa halos 10 libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na hindi nabayaran ang kanilang suweldo mula sa mga naluging kompanya sa naturang bansa mula noong 2015 hanggang 2016.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo, mula sa unang tumanggap na benepisyo na 1,500 ay nadagdagan na ito ng isang libong tumanggap ng claims o 2nd batch.
“2,500 workers had received their benefits in the amount of 130 million Saudi riyals, so that’s around 1.9 billion pesos,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Aminado rin si Cacdac na direkta ang pakikipag-ugnayan ng Saudi Government sa claimants pero tumutulong din ang pamahalaan sa pag-cash ng tseke na natatanggap ng mga OFW.
Pinawi rin ni Cacdac ang pangamba ng mga claimants na wala sa listahan ng Saudi Government para makuha ang kanilang mga benepisyo.
Matatandaan nitong nakaraang linggo lamang nasa Saudi Arabia ang delegasyon ng DMW kasama si Sec. Cacdac upang asikasuhin ang pagkuha ng mga benepisyo ng mga OFW na naapektuhan ng pagsasara ng ilang kompanya sa nasabing bansa.
“Kung meron man lumalabas na wala sa list na ‘yun o kaya na-reject, o kaya may nais pang idulog in terms of …mga smaller companies na nabanggit kanina, kinukuha pa namin ‘yung pangalan at sinusumite namin doon, kino-coordinate namin doon, pwde pa naman daw isulong ang mga pangalan at mag-antay lang ng karampatan tugon o aksyon from the Saudi side on this matter,” ani Cacdac.
Matatandaang taong 2015 pa nang magdeklara ng bankruptcy ang ilang construction company sa Saudi Arabia.
Samantala, ito naman ang paalala ni Cacdac sa mga claimant na hanggang ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng mga benepisyo.
“We just to be patience and constantly coordinate with the Saudi side on this matter and just to assure the claimants na pinagsisikapan na rin natin ito” aniya.