26 bus ng Victory Liner na may rutang Cubao-Baguio, sinuspinde ng LTFRB

26 bus ng Victory Liner na may rutang Cubao-Baguio, sinuspinde ng LTFRB

PINATAWAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw na suspensyon ang biyahe ng ilang mga bus ng Victory Liner, Inc.

Ito ay matapos masangkot ang isa sa mga bus nito sa isang aksidente sa La Union na ikinasawi ng 3 indibidwal at ikinasugat pa ng maraming pasahero noong Enero 3, 2023.

Sa kautusan ng LTFRB, hindi muna pinapayagan ang operasyon ng 26 na bus units ng victory liner na biyaheng Cubao patungong Baguio City via Dau, Tarlac, at Urdaneta.

Magsisimula ang suspensyon sa araw na matanggap ng kumpanya ang kautusan at kailangan ding isuko nito ang for-hire na plaka ng mga bus unit.

Sa panahon ng suspensyon, ipinag-utos ng LTFRB na ipasailalim sa road safety seminar ng Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber na nakatalaga sa mga nasuspending pub units.

Ipinasusumite rin sa bus company ang roadworthiness certificate ng mga bus unit maliban sa nasangkot sa aksidente gayundin ang katibayan na nagbigay ito ng tulong-pinansyal at binayaran ang insurance benefits sa pamilya ng mga biktima ng aksidente.

Pinatatakda rin ang kumpanya ng petsa para sa regular na preventive maintenance service ng mga bus nitong nasuspinde.

Samantala, mayroon naman ang bus company ng 72 oras upang magsumite ng written explanation kung bakit hindi dapat masuspinde, makansela o mabawi ang Certificate of Public Convenience (CPC) at ipinahaharap din sa pagdinig sa Enero 24, 10 am LTFRB Central Office sa East Avenue, Quezon City.

Sakaling mabigong tumugon ang Victory Liner, Inc., maituturing itong pagsuko ng kanilang karapatan na marinig at magdedesisyon ang board batay sa mga ebidensya na hawak nito.

Huhulihin din ang mga suspendidong bus unit sakaling matukoy na bumibiyahe pa rin ito sa kabila ng kautusan.

Follow SMNI NEWS in Twitter