3 Indonesian, nahuli sa iligal na pagdadala ng fighting cocks sa Sarangani Bay

3 Indonesian, nahuli sa iligal na pagdadala ng fighting cocks sa Sarangani Bay

INARESTO ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong Indonesian nationals sakay ng isang hindi otorisadong bangkang de motor na puno ng fighting cocks sa Sarangani Bay.

Ito’y matapos matagpuan ng mga otoridad noong Marso 9, pasado alas onse ng gabi ang isang bangka na lumalakbay patungo sa hangganan ng Indonesia.

Nadiskubre sa bangka ang 190 na mga fighting cocks, poultry feeds, animal medicines, at mga vitamins.

Ayon kay PCG District Southern Mindanao Commander, CG Captain Rejard V. Marfe, kinilala ang mga Indonesian nationals na sina Bura Wangka, 35-taong gulang, Zaidunin Makahiking, 38-taong gulang, at Maman Bawimbang, 28-taong gulang.

Sa inisyal na imbestigasyon, inamin ng Indonesian nationals na kanilang pinick-up ang consignment ng mga fighting cocks sa Brgy. Bawing, General Santos City at ibabyahe sana patungong Tahuna, Indonesia.

Ibinahagi rin ng mga ito na dumating sila sa GenSan City noong Marso 6, 2022.

Sa karagdagang pagsisiyasat, nadiskubre na walang Safety, Security, and Environmental Numbering (SSEN) mula sa Coast Guard ang motorbanca na isang paglabag sa Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular Number 2017-001.

Bigo rin ang mga ito na ipakita ang transport permit at iba pang kinakailangang permit mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) sa General Santos City.

Kasalukuyan namang nasa legal na kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang Indonesian nationals ngunit nasa pisikal na kustodiya ng PCG Station Eastern Sarangani.

Samantala, itinurn-over naman ang mga nasakoteng fighting cocks at iba pang mga karga sa BAI para sa kaukulang disposisyon.

Follow SMNI News on Twitter