3 matataas na opisyal ng CTG sa North Luzon, arestado

3 matataas na opisyal ng CTG sa North Luzon, arestado

NAHULI ng mga awtoridad ang tatlong matataas na opisyal ng communist terrorist group (CTG) sa Brgy. Manag, Conner, Apayao.

Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay isang task force na inorganisa ng gobyerno ng Pilipinas noong taong 2018.

Ito ang bahagi ng whole of the nation approach ng pamahalaan upang tugunan at magbigay ng kamalayan sa mga mamamayan patungkol sa nagpapatuloy na armadong pakikibaka dito sa Pilipinas.

Ang nasabing hakbang ng pamahalaan ay matapos na ihinto ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng New People Army (NPA) noong taong 2017.

Matapos nito tuluy-tuloy na ang pag-arangkada ng nasabing task force, libu-libo na ang mga sumuko at nahuling rebelde at libu-libong armas na rin ang nasa kostudiya na ng mga awtoridad.

Kaugnay niyan ay nahuli ng mga awtoridad ang tatlong matataas na opisyal ng komunistang teroristang grupo sa Brgy. Manag, Conner, Apayao.

Sila ay opisyal ng komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF na may kaugnayan sa Regional Guerilla Unit (RGU) ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) mula sa Northern Luzon.

Naging posible ang pagkakahuli sa tatlong rebelde sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Northern Luzon Command (NOLCOM), sa ilalim ng 5th Infantry Division, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) nitong Oktubre 8, 2024.

Natunton ng mga sundalo ang kinaroroonan ng mga rebelde matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa mga concerned citizen patungkol sa presensiya ng mga terorista sa nasabing lugar kaya agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

Kinilala ng mga sundalo ang CTG members na sina Alias Sam, Commanding Officer ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) ng ICRC: Alias Tanya, Political Instructor: Alias Annie, Organizer at pangulo ng education ng humihinang Guerilla Front, KLG Baggas.

Nakuha mula sa nasabing operasyon ang dalawang M16A1 rifles, hand grenades, mga bala at pampasabog, mga cellphones, data storage devices, medical supplies, at mga personal na gamit.

Pinuri naman ni Lt.Gen. Fernyl Buca, Commander ng NOLCOM, ang tropa ng militar dahil sa kanilang matagumpay na aksiyon.

Binigyang-diin din nito na ang nasabing katagumpayan ay patunay na matibay ang pakikipagtulungan ng mga residente sa gobyerno.

“This successful operation shows the strong partnership between our security forces and local communities,” wika ni Lt.Gen. Fernyl Buca, Commander, NOLCOM.

Hinikayat din nito ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na suportahan ang mga layunin ng pamahalaan upang masiguro ang seguridad at kapayapaan sa northern Luzon.

“We encourage the public to remain vigilant and continue supporting our efforts to ensure peace and security in Northern Luzon,” dagdag ni Buca.

Kung matatandaan, nauna nang binigyan ng derektiba ang mga ground unit ng NOLCOM na paigtingin pa ang pagpapatrolya at ang mga ginagawang operasyon sa kanilang nasasakupan na lugar upang mapigilan ang mga aktibidad ng mga rebeldeng grupo at upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble