TATLONG bagong pangalan na naman ang nadagdag sa listahan ng mga Pilipinong nakaakyat sa pinakamataas na bundok sa mundo—ang Mt. Everest.
Sina Ric Rabe mula Cotabato City, Jeno Panganiban ng Pasig, at Miguel Mapalad ng San Juan ang pinakabagong Pinoy Everest summiters.
Naabot ni Rabe ang tuktok nitong Biyernes, habang sinundan naman siya nina Panganiban at Mapalad sa sumunod na araw.
Sa taas na higit walong libong metro (8,848.86 meters) o katumbas ng mahigit 29,000 talampakan, ibinahagi ng kanilang mga kaanak ang kagalakan sa kanilang tagumpay.
Si Rabe ay umakyat nang tahimik at walang malaking suporta, samantalang sina Panganiban at Mapalad ay bahagi ng Philippine 14 Peaks Expedition Team.
Pero sa likod ng tagumpay, isang trahedya rin ang naitala matapos masawi ang 45-anyos na mountaineer na si PJ Santiago II sa isang tangkang pag-akyat.
Ang tagumpay ng tatlo ay dumagdag sa kasaysayan ng mga Pilipino sa Everest, 19 na taon matapos ang unang summit attempts nina Dale Abenojar at Leo Oracion noong 2006.