36 na matataas na opisyal ng PNP, muling isasalang sa masusing imbestigasyon

36 na matataas na opisyal ng PNP, muling isasalang sa masusing imbestigasyon

NATAPOS na ang ginawang assessment ng advisory group ng Philippine National Police (PNP) sa halos 1-k ranking officials.

Sa nasabing imbestigasyon, 36 rito ay kuwestyunable at muling bubusisiin.

Enero 4, 2023 nang umapela si Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. sa senior PNP officials na magsumite ang mga ito ng courtesy resignation, rason ng kalihim na bahagi ito ng paglilinis ng gobyerno sa hanay ng kapulisan upang tuluyang mawala sa serbisyo ang mga police officers na sangkot sa illegal drug trade.

Sa nasabing apela ng kalihim, umabot sa 953 na ranking officials ng PNP ang tumalima rito at nagsumite nga ng kanilang courtesy resignation at dito na bumuo ng five-man advisory group ang PNP na sasala sa bawat isang opisyal kung ito ba ay may record o kaugnayan sa illegal na droga.

At noong Abril 20, 2023 nakumpleto na ng five-man advisory group ng PNP ang pagreview sa courtesy resignations ng 953 senior police officers ng PNP.

Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, mula sa nasabing bilang nasa 36 na lang ang sasailalim sa masusing pagsusuri kung meron ba itong ugnayan sa ilegal na droga, ibig sabihin 917 na mga ranking officials na nagsumite ng courtesy resignation ay walang ugnayan sa kalakaran ng ilegal na droga dito sa bansa.

Bagama’t dumaan na sa assessment at pagsusuri ang courtesy resignation ng 917 PNP officials na cleared sa ilegal na droga ay maaari pa itong magbago depende sa resulta ng gagawing imbestigasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM).

At kung makumpleto na ng NAPOLCOM ang kanilang imbestigasyon ay agad itong isusumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa huli sinabi ng bagong hepe ng kapulisan na si PNP chief Benjamin Acorda, Jr. na kanilang ibabalik ang tiwala ng taong bayan sa kapulisan at mananatiling transparent ang kanilang hanay lalo na usapin ng ilegal na droga.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter