International Cruise Vessel, dumaong na sa Port of Currimao

International Cruise Vessel, dumaong na sa Port of Currimao

SINALUBONG ng Philippine Ports Authority (PPA) at ng Department of Tourism (DOT) ang pagdating ng International Cruise Vessel na M/S Heritage Adventurer sa Currimao Seaport, Ilocos Norte sakay ang humigit-kumulang 50 turista mula sa New Zealand at Australia kamakailan.

Bilang pagkilala ay sinabitan ng Welcome Lei ang mga pasahero bilang tanda ng kanilang mainit na pagtanggap habang naghanda naman ng tugtugin at sayawin ang pamosong Dinaklisan Festival Dancers ng Currimao na kung saan nagpalitrato pa ang mga turista sa mga performers.

Sa pakikipagtulungan ng PPA, Philippine Coast Guard (PCG), pati na rin ng Philippine National Police (PNP), inasistehan ang pagpasyal ng mga turista sa buong lugar upang masiguro ang kanilang kabuuang seguridad.

Inaasahan namang dadayuhin ng mga turista ang mga makasaysayang lugar at tanawin sa Ilocos gaya ng Badoc, Ilocos Norte, pati na rin ang Vigan at San Vicente sa Ilocos Sur.

Nauna nang dumating ang M/S Heritage Adventurer sa Port of Batanes kamakailan at nakatakdang tumungo papuntang Hundred Islands sa Pangasinan bago tuluyang maglayag papuntang Maynila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter