KINUMPIRMA ng Land Transportation Office (LTO) na panibagong fixers ang nahuli araw ng Martes.
Sa pinagsanib-puwersa ng LTO at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inaresto ang 5 hinihinalang “fixer” sa labas ng LTO Novaliches District Office sa Quezon City.
Pinangunahan mismo ni LTO Chief Jay Art Tugade ang operasyon at personal nitong nasaksihan ang pag-aalok ng serbisyo ng mga pinaniniwalaang “fixer”.
Nasabon din ni Tugade ang District Office Chief ng LTO Novaliches dahil sa talamak na fixing activities.
Na-relieve sa puwesto ang nasabing hepe dahil sa posibleng kapabayaan.
Kasalukuyang gumugulong ang imbestigasyon ukol dito.
Iginiit ni Tugade na hindi dapat idinaraan sa “shortcut” o fixer ang pagkuha ng driver’s license at ang pagpaparehistro ng sasakyan.
Aniya dahil buhay ang malalagay sa panganib kung hindi susunod sa tamang proseso.
Nagbabala si Tugade sa publiko laban sa pagtangkilik sa serbisyo ng mga “fixer” na mas makabubuti aniyang agad na isumbong ang iligal na gawain ng mga ito.
Tiniyak din ng LTO chief ang pagpapatuloy ng nasimulan na nitong mga hakbang para sa full digitalization ng ahensiya sa hangaring mapabilis ang mga transaksiyon at mabigyan ng ginhawa sa pagproseso ang publiko.
Samantala, nasa kustodiya na ng CIDG sa Camp Karingal ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007.