KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na kabilang sa 39 na crew na namatay sa tumaob na Chinese vessel sa Indian Ocean noong nakaraang linggo ay 5 rito ay Pinoy.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, ikinalulungkot nila ang balitang ito kasabay ng pangako na gagawin nila ang lahat para matulungan ang mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Aniya, simula pa noong unang araw pagkatapos ng insidente ay hindi na sila tumigil sa pangangalap ng impormasyon para sa kalagayan ng mga pasahero.
Naging malaking bahagi aniya rito ang pakikipag-ugnayan nila sa Australian Maritime Rescue Center at Chinese Embassy para sa mga mahahalagang impormasyon mula sa nasabing insidente.
“We are saddened by this development. Since day one, we have been monitoring and coordinating with the Australian Maritime Rescue Center and the Chinese Embassy as to the progress of the search and rescue (SAR) operations,” ayon kay Rear Admiral Armand Balilo, Spox. PCG.
Pinasalamatan din ng PCG ang sakripisyo ng foreign rescue teams dahil sa pananatili ng mga ito para subukang isalba ang mga biktima.
“We thank the Australian SAR Teams for their efforts, as we understood the risks they faced while scouring the vast waters amid unpredictable weather conditions,” saad ni Balilo.
Sa ngayon patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCG sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa agarang tulong sa mga pamilya ng mga nasawing crew members.
“We are coordinating with the Department of Foreign Affairs to know how we can assist the affected families during this difficult time,” dagdag ni Balilo.
Matatandaang tumaob ang distant-water fishing vessel na “Lupeng Yuan Yu 028” na pagmamay-ari ng Penglai Jinglu Fishery Co. Ltd na naka-base sa Shandong Province.
Ang sakay nitong 39 katao ay kinabibilangan ng 17 Chinese crew members, 17 Indonesians, at 5 Pilipino.