NASAWI ang anim na miyembro ng communist terrorist group (CTG) na New People’s Army (NPA) sa combat operations ng militar sa Balayan, Batangas kahapon, Disyembre 17, 2023.
Sinabi ni Philippine Army 2nd Infantry Division spokesperson Lieutenant Colonel Hector Estolas na isinagawa ang operasyon matapos makakuha ng impormasyon ang militar na magpupulong ang NPA upang buhayin ang kanilang grupo sa Batangas.
Ayon kay Estolas, nakaharap ng 59th Infantry “Protector” Battalion, Philippine Navy at Philippine Air Force ang 14 na miyembro ng NPA, kung saan nalagas ang anim sa mga kalaban.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang M16 rifle, isang M653 rifle, isang shotgun, at mga dokumento.
Sa panig ng gobyerno, nasawi ang isang sundalo habang nasugatan ang tatlong iba pa.
Ipinaabot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng nasawi na sundalo at tiniyak ang financial assistance sa mga naiwan nito.