600 Super Health Center, target na maipatayo sa loob ng 2 taon—Sen. Bong Go

600 Super Health Center, target na maipatayo sa loob ng 2 taon—Sen. Bong Go

TARGET  ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na maipatayo ang 600 Super Health Center sa loob ng 2 taon.

Mas ilalapit pa ng pamahalaang nasyonal ang mga serbisyong medikal para sa maralitang Pilipino sa mga taga-San Mateo sa Rizal.

Ito ay sa pamamagitan ng itatayong Super Health Center sa bayan.

Tiniyak ng pamahalaan na mabibigyan ng maayos at kalidad na serbisyong medikal ang mga mahihirap na Pilipino sa bansa.

Ito ang siniguro ng Senate Committee on Health chairperson Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, umaga ng Huwebes.

Ang pahayag ay ginawa ng senador matapos pangunahan ang groundbreaking ng Super Health Center sa San Mateo, Rizal.

Ang nasabing aktibidad ay isinabay sa pagdiriwang ng ika-451 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng San Mateo.

Sinabi ni Sen. Go na iba’t ibang serbisyo ang maaaring ipagkaloob sa mga residente ng nasabing munisipalidad.

’’Isa ito sa paraan para ilapit natin ‘yung serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Puwede po ‘yung panganganak dito, laboratory, X-ray. Sabi ko nga puwede rin lagyan ng dialysis machines, puwede rin po pagpapabakuna dito hindi lang po kontra COVID-19, pati rin po sa mga tigdas at paigtingin pa natin ang ating kampanya na hikayatin ang mga bata na magpabakuna dito sa Super Health Center,’’ ayon kay Sen. Bong Go.

Dagdag pa ni Go, malaking bagay ang mga itinayong Super Health Center upang ma-decongest din ang mga pasyente sa mga ospital.

Pagtitiyak pa ni Sen. Go na tuluy-tuloy ang kanilang programang palawakin at paramihin ang mga Super Health Center sa buong bansa.

Asahan aniya na magkakaroon pa ng 600 Super Health Center na itatayo sa buong bansa sa dalawang taon.

’’Ano po ang makatutulong sa ating health care system as a Chairman sa Committee on Health ay handa po akong tumulong at sumuporta dahil napaka-importante para sa akin ang kalusugan ng bawat Pilipino dahil ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat tao,” dagdag ni Sen. Go.

Follow SMNI NEWS on Twitter