BINIGYANG-diin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sila ay namuhunan ng tiwala sa dalawang kabataan na unang nagpahayag ng pagsuko ngunit kalaunan ay nilinlang lang pala ang pamahalaan.
Ito ang binigyang punto ni NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto Torres sa isang virtual forum araw ng Miyerkules kaugnay sa insidente ng pagbaliktad sa pamahalaan ng dalawang kabataang rebelde na sina Jonila Castro at Jhed Tamano.
Paliwanag pa ng executive director ng NTF-ELCAC, pinagkatiwalaan nila sina Jhed at Jonila sa pag-aakalang seryoso ang mga ito na magbalik-loob sa pamahalaan.
Aminado rin ang opisyal na iniisip din nila na maaaring mayroong hindi magandang mangyari ngunit isinaalang-alang pa rin nila ang ipinapakitang galaw ng mga nagbabalik-loob.
“Despite our vast resources, bakit hindi natin na check ang possibility na yan, there is always ‘yan na possibility, naiisip pa rin natin ‘yan but we really weighed heavier ‘dun sa pinapakitang galaw nila,” pahayag ni Usec. Ernesto Torres, Executive Director, NTF-ELCAC.
Dagdag pa ni Usec. Torres na ginawa lang ng pamahalaan ang trabaho nito na bigyan ng pagkakataon na magbagong buhay ang mga rebelde.
“We were so happy that another two kabataans have decided to go back to the folds of the law so we trusted their actions, their words and I think in general that is how the government should be specially in the NTF-ELCAC, we would like to take your word for it kung ano ‘yung dinadala mo sa amin,” dagdag ni Torres.
Dahil sa pangyayari, sinabi ni Usec. Torres na magkakaroon ng pagbabago sa kanilang pagproseso sa mga nais na magbalik-loob sa pamahalaan.
Lalo na sa pagpresenta sa mga nagbalik-loob sa publiko.
“Well definitely magkakaroon ng effect ‘yan sa ating pagpo-proseso sa kanila specially in making decision sa presentation sa public although the trust would still be there but we just also have to learn with this experience,” diin ni Torres.
Sa kabila ng hindi magandang naganap, sinabi ni Torres na hindi magbabago ang kanilang pagtrato sa mga nais magbalik-loob sa pamahalaan.
“Tayo ay nananawagan sa mga nakikinig na hindi po magbabago ang pagtrato natin sa mga FR na gusto natin manumbalik sa mainstream society. The program will be as strong as effective as it has been for the past several years,” ani Torres.
