KINONDENA ng National Authority for Child Care (NACC) ang patuloy na bentahan ng mga sanggol sa iba’t ibang social media platforms.
Kasunod ‘yan ng panibagong insidente kung saan ang isang 7-araw pa lamang na sanggol ang nasagip ng Philippine National Police Women and Children Protection Center, Luzon Field Unit.
Ayon sa NACC, ibinenta sa halagang P75K ang nasabing sanggol habang abala ang publiko sa halalan nitong Mayo 12.
Naaresto ang limang suspek kabilang na ang dalawang menor de edad na sangkot sa ilegal na bentahan.
Binigyang-diin ni NACC Undersecretary Janella Estrada—hindi kailanman dahilan ang kahirapan para ipagpalit ang isang musmos upang kumita ng pera.
“No one should ever consider selling a child. Children are vulnerable and cannot defend themselves,” saad ni Usec. Janella Estrada, National Authority for Child Care.
Batay sa datos ng NACC noong buwan ng Abril, 2025, nasa 13 Facebook groups pa ang sangkot sa online selling ng mga sanggol.
Dagdag ni Estrada, siyam na bata na ang nasagip habang 14 naman ang naaresto ng mga awtoridad.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang limang suspek na bigong pangalanan ng NACC.
“Selling or buying children online is a serious crime. We must protect our children from these dangers,” aniya.