PINAG-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga residente sa pitong baybayin sa bansa.
Ito ay kasunod ng inilabas na Shellfish Bulletin Number 24 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kung saan ipinatutupad ang shellfish ban dahil positibo pa rin ito ng red tide toxin.
Kabilang sa mga baybaying nakataas ang shellfish ban ay sa Saplan Bay sa Capiz, mga baybayin ng Roxas City, President Roxas, at Pilar sa Capiz.
Apektado rin ng shellfish ban ang bayan ng Gigantes Islands, Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur.
Dahil dito, sinabi ng BFAR na mahigpit nilang ipinagbabawal na manghuli, magbenta at kumain ng mga lamang dagat, dahil peligroso ito sa kalusugan dulot ng paralytic shellfish poison (PSP).
Sa kabila nito, nilinaw ng BFAR na ligtas kainin ng tao ang mga isda, pusit, hipon at alimango basta’t tiyakin na ito ay sariwa, hinugasang mabuti at tinanggalan ng lamang loob bago lutuin.