NANANATILI pa ring nasa isolation ang nasa 75 na persons deprived of liberty (PDLs) na nakararanas ng mild symptoms ng COVID-19 sa National Bilibid Prison (NBP) ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa pahayag, sinabi ng BuCor na sa 75 na PDLs, 15 sa mga ito ay mga senior citizens.
Ayon kay BuCor Health and Welfare and Services Director Dra. Maria Cecilia Vilanueva, 13 PDLs na ang na-discharge matapos na mag-negatibo ang pangalawang rapid antigen test ng mga ito.
Matatandaan na noong Miyerkules lamang nang suspendehin ng BuCor ang pagbisita sa NBP at Correctional Institute for Women bilang hakbang upang maiwasan na ang pagkalat pa ng COVID-19.