PANGUNGUNAHAN mismo ni PNP Chief Police General Azurin Jr. ang presentasyon ng Pilipinas kaugnay sa mga programa ng bansa laban sa kriminalidad, counter terrorism at iligal na droga.
Ayon kay Azurin, ikinararangal nito ang pagiging bahagi ng 24th Asian Regional Conference sa Abu Dhabi, United Arab Emirates lalo na at maibabahagi nito ang mga stratehiya ng PNP sa pagsugpo sa ibat ibang uri ng krimen sa bansa.
Bukod dito, nakatakda ring talakayin sa ikalawang araw ng komperensiya ang mga isyu ng human trafficking at smuggling hindi lang sa bansa kundi maging sa karatig rehiyon nito.
Umaasa ang heneral na maipararating nito sa pandaigdigang komperensiya ang kakayahan ng Philippine National Police lalo na sa pagsisikap nito na gawing maayos at ligtas ang lahat ng komunidad sa bansa.