Cong. Teves, muling sinuspendi ng 60-araw sa Kamara

Cong. Teves, muling sinuspendi ng 60-araw sa Kamara

MULING sinuspendi ng 60-araw sa Kamara si Negros Oriental Cong. Arnie Teves dahil sa patuloy na pagmamatigas na umuwi ng bansa.

Sa huling araw ng regular session ng 19th Congress, naglabas na nga ng desisyon ang House Committee on Ethics and Privileges laban sa isa nilang kasamahang kongresista.

Suspendido muli ng 60-araw si Negros Oriental Rep. Arnie Teves.

Sa rekomendasyon ng Ethics Panel na House Ethics Chairman Felimon Espares, nakitaan ng ‘disorderly behavior’ si Teves bilang mambabatas.

Ito’y dahil umano sa patuloy na paglabag nito sa utos na umuwi ng bansa para harapin ang pagkakadawit sa Degamo slay case.

Bukod diyan, forfeited din ang membership ni Teves sa lahat ng komite na kaniyang kinaaaniban.

Miyembro ng 3 komite si Teves kung saan vice chairman ito ng Committee on Game and Amusement.

Miyembro din ito ng legislative franchises at Nuclear Energy Committee.

285 na mga kongresista ang pabor na i-adopt ng Kamara ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges.

Ayon kay House Secretary General Reggie Velasco, bawal mag-attend si Teves sa kasagsagan ng kaniyang suspension.

Hinikayat naman ng secretary general ng partidong National Peoples Coalition na si Rizal 1st District Congressman Michael John Duavit si Teves na umuwi na sa Pilipinas.

Si Teves ay miyembro ng nasabing partido.

Sa agosto, inaasahang matatapos ang suspension kay Teves.

Simula nang ituro bilang mastermind sa Degamo slay case, hindi na umuwi ng bansa ang mambabatas.

Rason nito, may mga banta sa kaniyang buhay at pamilya dahilan kung bakit nagmamatigas itong umuwi.

Magugunitang nauna nang sumalang sa 60-day suspension si Teves nitong nakaraang buwan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter