INADOPT na ng Kamara ang bersiyon ng Senado sa panukalang bubuo sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Ginawa ito bago ang sine die adjournment para sa 1st regular session ng 19th Congress.
Para mapabilis ang approval, nagparaya ang Kamara sa bersiyon ng Senado para agad malagdaan ng Pangulo ang panukala.
Miyerkules ng hapon ay una nang sinabi ni Sen. Mark Villar na posibleng i-adopt na lamang ng Kamara ang bersiyon ng Senado ng MIF Act o ang Senate Bill 2020.
Dahil ito ay isang adopted bill ay hindi na ito kailangng i-ratify ng dalawang kapulungan.
Sa nangyaring pagpupulong ng dalawang kapulungan ng Kongreso o Bicameral Conference Committee meeting Miyerkules ng umaga ay una nang naghayag ang Kamara na i-adopt ang bersiyon ng Senado na ilang oras pa lamang naipapasa.
Ang Bicam meeting ay isinagawa matapos inaprubahan ng Senado ang panukala pasado 2:30 ng madaling araw.
Disyembre 16, 2022 naman naipasa ang bersiyon ng Kamara na may 282 co-author.
Sa panukalang batas, ang itatayong Maharlika Investment Corporation, na may hawak sa Maharlika Fund, ay mag-iinvest sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Sen. Mark Villar, author at principal sponsor ng nasabing panukala, ito’y inaasahan na magpapalakas sa kita ng gobyerno at makapagbubukas ng maraming trabaho.
“Siyempre ang gobyerno, ang purpose ay magkaroon ng additional income. At siyempre kapag nag invest ang Maharlika sa iba’t ibang industriya…350,000 ang estimate na mabibigyan ng trabaho dahil sa Maharlika,” saad ni Sen. Mark Villar, Author and Principal Sponsor, Maharlika Bill.
Sa bersiyon ng Senado ay natuldukan na ang ilang kontrobersiya.
Kabilang dito ang pagtatanggal ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa pagmumulan ng pondo ng MIF.
“The decision of the body, there was some discomfort in allowing our pension funds to invest. Sa bagong version po ay prohibited ang mga pension funds tulad ng GSIS at SSS na mag invest sa Maharlika Investment Corporation,” dagdag ni Villar.
Bukod pa dito ay tiniyak naman ni Senate President Migz Zubiri, co-author ng nasabing panukala, na may sapat na safeguards ang paggamit ng Maharlika Investment Fund Act.
“Nanawagan ako sa ating mga kababayan na wag silang mag-alala. Lahat ng safeguards na mailagay namin ay nailagay na. From the election of the officers ay may vetting process to the 2-3 pages of penal provisions, punishment if there is misuse of the funds…Sakop ang public servants,” ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, Co-Author, Maharlika Bill.
Ngayong in-adopt na ng Kamara ang bersiyon ng Senado, ay pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kulang upang ito’y maging ganap na batas.