NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang mas malapit na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kaniyang talumpati sa Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) Award Ceremony sa Manila Hotel nitong gabi ng Huwebes.
Inihayag ng Punong-Ehekutibo na ang naturang event ay isang angkop na pasimula sa pagdiriwang ng ika-48 taon ng pormal na pagkakatatag ng relasyon ng Pilipinas at China, na naging biyaya sa lakas ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga nakaraang taon.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na magsisikap ang kaniyang pamahalaan na patatagin ang relasyong ito at sisikaping gawin itong mas komprehensibo at estratehiko.
“It is my firm belief that our relationship must not be defined by our innate differences. We may have such differences, all friends do. But we recognize in the Philippines the commitment of President Xi and the People’s Republic of China to overcome such difficulties and I can assure our good Ambassador here that commitment also is present in the Philippines’ efforts to bring us closer together — Philippines and the People’s Republic of China,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos.
Saad pa ni Pangulong Marcos, ang China ang naging nangungunang kasosyo ng bansa sa kabuuang kalakalan: nangunguna bilang import source; at, pangalawa, bilang export destination ng Pilipinas.
Ang China at ang Special Administrative Regions nito ay pangalawang tahanan din ng malaking bilang ng mga overseas Filipino.
Pinahalagahan din ng Pangulo ang inisyatiba ng Association for Philippines-China Understanding (APCU) para sa pag-organisa ng nasabing kaganapan.
Binigyang-parangal ni Pangulong Marcos sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Rodrigo Roa Duterte para sa kanilang mga nagawa at kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni Pangulong Marcos na si dating Pangulong Arroyo ay may mahalagang papel sa pagpapasigla ng APCU.
“The role of the former President, President Gloria Macapagal-Arroyo in rejuvenating the APCU organization, which led in many ways to the launching of these awards, must certainly be recognized. In doing so, she recognized the great importance of maintaining mutual understanding between our two countries,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Idinagdag pa ni Pangulong Marcos ang pinakatampok ng Gabi ng Parangal, ang mataas na pagkilalang ipinagkaloob sa dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas na si FPRRD.
“Perhaps the highlight of this Awards Night is the high recognition bestowed to the former President of our Republic—our Tatay Digong Duterte. And I join the entire nation in recognizing the former President for his strong leadership and for all that he has done in building a more resilient nation,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
Ang APPCU, na isang joint undertaking na pinamumunuan ng APCU at ng Chinese Embassy sa Pilipinas, ay isang novel award-giving body na nagbibigay ng espesyal na pagpupugay sa mga Filipino na nagsikap na palakasin ang ugnayang pangkaibigan at itaguyod ang mutual understanding sa pagitan ng Pilipinas at China.
Inilunsad ang APPCU noong Enero 16, 2021, nang magkatuwang na dumalo sina dating Chinese State Councilor at Foreign Minister Wang Yi at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa inagurasyon ng Manila Forum para sa China-Philippines relations sa pamamagitan ng video link.
Kasama sa mga kategorya ng APPCU award ang Hall of Fame, Outstanding Contributions, at Major Contributions.
Pilipinas, patuloy na nakikipagtulungan sa China para sa rehiyonal na kapayapaan, katatagan at masiglang kalakalan—PBBM
Samantala, inihayag ni Pangulong Marcos na patuloy na nakikipagtulungan sa China upang matiyak ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon partikular sa usapin sa West Philippine Sea gayundin sa pagpapanatili ng aktibidad sa kalakalan at ekonomiya.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang tanungin ng mga mamamahayag ang kasalukuyang relasyon ng Pilipinas at China sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Sinabi ni Pangulong Marcos na tinitingnan ng Pilipinas ang China bilang katuwang sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at mapanatili ang masiglang kalakalan sa rehiyon.
Sa usapin ng pagpapalakas ng relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas, sinabi ni Pangulong Marcos na nagsimula na ang proseso pagkatapos ng kaniyang pakikipagpulong kay Chinese President Xi Jinping noong Enero, kung saan bumuo sila ng mga estratehiya para sa mas mabuting komunikasyon, gayundin ang pag-unawa patungkol sa fishing grounds.