AARANGKADA ngayong araw ang isa sa mga pinakamalalaking aktibidad ng San Jose del Monte City Bulacan sa pagdiriwang ng ika-23 taong selebrasyon ng pagiging lungsod ng lugar.
Masasaksihan ganap na alas sais ngayong gabi ang Tanglawan Light Festival kung saan ipakikita ng mga kalahok na grupo mula sa iba’t ibang lugar at eskwelahan sa lungsod ang istorya sa likod ng simbolo ng pagkakatatag Tanglawan Festival.
Ayon kay San Jose del Monte City Mayor at Lone District Congresswoman Florida Robes, malaking bahagi sa nasabing selebrasyon ang mismong mga residente nito na sumusuporta sa bawat programa ng lungsod.
Bagay na naging daan ito sa pagbubukas ng maraming mamumuhunan, oportunidad at trabaho hindi lang sa mga taga-San Jose del Monte kundi maging sa mga karatig lungsod at bayan nito.
Kaninang alas diyes ng umaga araw ng Huwebes, kumulay ang lungsod dahil sa naglalakihang hot air balloons mula sa iba’t ibang ahensiya ng lokal na pamahalaan ng lungsod.