Presensiya ng militar ng U.S. sa Middle East, nakakasira sa kapayapaan—Iranian FM spokesman

Presensiya ng militar ng U.S. sa Middle East, nakakasira sa kapayapaan—Iranian FM spokesman

ANG militar na presensiya ng Estados Unidos sa Middle East ay nakakasira sa katahimikan at kapayapaan ng rehiyon.

Ito ang inihayag ni Iranian Foreign Ministry spokesman Nasser Kanaani sa isang press conference sa Tehran.

Sa press briefing, sinabi ng spokesman na ang pangingialam ng external force gaya ng gobyerno ng Estados Unidos sa Middle East ay hindi nakakatulong sa pagpapalago ng rehiyon at ang regional security ay kinakailangang panatilihin ng mga bansang kasapi sa rehiyon.

Ayon pa rito, iniisip lamang ng gobyerno ng U.S. ang sariling interes nito at ang tropang militar nito ay nararapat lamang umalis sa rehiyon sa lalong madaling panahon.

“The U.S. military power in the Middle East is never about seeking regional stability and security. The U.S. military presence in any region or country did not contribute to peace and stability. Instead, it creates and aggravates tensions in those places,” saad ni Nasser Kanaani, spokesman, Iranian Foreign Ministry.

Ukol naman sa huling pag-uusap sa negosasyon sa pagpapatuloy ng implementasyon ng Iran Nuclear Deal, inihayag ng spokesman na hindi sarado ang bansa sa pag-uusap ukol dito at nais ng Iran na tuluyang matanggal ang mga ilegal na sanction na ipinataw rito ng gobyerno ng U.S. na nakabase naman sa interes ng Washington.

Ang Iran ay pumirma sa nuclear deal na mas kilala bilang Joint Comprehensive Plan of Action kasama ang world powers noong Hulyo 2015 at pumayag na bawasan ang nuclear program nito upang matanggal nang tuluyan ang sanctions sa bansa.

Samantala, umalis naman ang gobyerno ng U.S. sa kasunduan na ito noong Mayo 2018 at nagpatupad ng unilateral sanctions sa Tehran.

Ang negosasyon sa muling pagbuhay ng nuclear deal ay pinasinayaan noong Abril 2021 sa Vienna Austria.

Pero sa kabila ng ilang round ng pag-uusap ukol dito wala pa ring pag-unlad na naiulat hanggang Agosto ng nakaraang taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter