UMANGAT na sa 2,681 ang kabuuang bilang ng nasawi sa magnitude 7 na lindol na tumama sa Morocco habang 2,501 naman ang naiulat na sugatan noong Lunes.
Ito ang huling update na inilabas ng Interior Ministry ng Morocco.
Ang epicenter ng lindol ay naiulat malapit sa Ighil sa Al Haouz Province, 70 kilometro sa timog kanluran ng lumang siyudad ng Marrakesh.
Ang Amizmiz, isang tourist town na matatagpuan 55 kilometro sa timog ng Marrakesh ang isa sa pinakaapektadong lugar ng lindol.
Ang mga gusali doon ay naging mapanganib na rin kasunod ng pagyanig kung saan posible umanong mag-collapse ang mga ito.
Ang mga residente na nawalan ng tirahan ay nakikitira lamang sa mga kamag-anak nito sa ibang siyudad.
“My family is from here. Actually, this is a big one (disaster), there are a lot of people who died. It’s very [hard],” ayon sa isang residente.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang rescue at relief efforts sa Amizmiz, Marrakesh at iba pang lugar na apektado ng lindol.