Wala pang nabalitaang adverse events sa Sputnik V ng Russia —FDA

WALA pang nabalitaan hinggil sa adverse events ng paggamit ng Sputnik V ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo.

Inaasahan namang pipirma na ng isang kasunduan ang Pilipinas at Gamaleya Institute ng Russia para sa 20 milyong dosis na bakunang Sputnik V ngayong linggo.

Bagama’t wala pang napabalita na adverse effects ng Sputnik V ay patuloy pa rin ang istriktong pag-monitor ng pamahalaan sa iba’t ibang klase ng bakuna kontra COVID-19 partikular sa posibleng side effects nito.

Dagdag pa ni Domingo ang Sputnik V ay puwedeng iturok sa labing walong taong gulang pataas.

Binibigay ito ng dalawang dosis na may isang buwan ang pagitan ng pagturok.

Sinabi rin ni Domingo, mataas aniya ang efficacy rate ng Sputnik V na nasa 90 percent.

(BASAHIN: Efficacy rate ng Sputnik V vaccine, aabot sa mahigit 91% —FDA)

Samantala, ipinaalala naman ng FDA ang mga dapat bantayan at pag-ingatan sa pagpapabakuna tulad na lamang ng pananakit ng katawan, lagnat, sakit sa ulo, ubo at ang mga may high blood.

Sa kabilang banda, una nang ipinahayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na inaasahan na darating ngayong buwan ng Abril ang unang batch na 500,000 vaccine doses mula Gamaleya.

Pagdating ng Mayo hanggang Agosto, ay magdi-deliver na ang Gamaleya Institute ng 20 million doses.

SMNI NEWS