Mala-Disneyland na pasyalan sa Pampanga, dinadagsa ng mga turista

Mala-Disneyland na pasyalan sa Pampanga, dinadagsa ng mga turista

MALA-Disneyland na may kasamang mga superhero na likha ni Stan Lee ang concept ng pasyalan na ito na talagang dinadayo ng mga turista hindi lamang dito sa Pampanga kundi maging ng mga karatig bayan.

Ani Archie Lagman Angeles, co-owner at designer ng The Orchid Garden, nagsimula lamang ito sa isang alaala ng Paskuhan Village, na siyang sikat na pasyalan sa Pampanga noong kanilang kabataan.

‘‘Nung bata kasi ako may Paskuhan Village na tinatawag dito sa Pampanga. Ngayon nagsara na ito tapos naisip namin itong concept na ito. Bukod sa makapagbigay saya para maituloy man lang ‘yung nakasanayan naming saya na mga taga-Pampanga. ‘Yung meron kaming Paskuhan Village,’’ ayon kay Archie Lagman Angeles, Co-Owner, Designer, The Orchid Garden.

Kilala ang Pampanga bilang Christmas Capital ng bansa dahil na rin sa mga naggagandahan at naglalakihan nitong mga parol, lalo na sa tradisyon nitong Giant Lantern Festival na talagang umaakit ng Paskong Pinoy.

Nagsimula rin ang The Orchid Garden taong 2021, at dahil maaari nang lumabas ng kani-kanilang pamamahay ang mga residente ay agad itong naging lugar upang makahinga kahit papaano ang mga ito.

”Siyempre ‘yung mga marami nating ilaw, almost millions of lights na ‘yan. Tapos talagang yearly ginagandahan natin ‘yung concept, hindi mawawala ‘yung mga cartoon character; mga Disney princess, mga mascot, stillwakers, jigglers, kumpleto tayo dito para makapagpasaya tayo ng tao,’’ ayon pa kay Lagman.

Kung nag-aalala naman kung mahal ang entrance free, hindi na aniya kailangan pang mangamba dahil P50 lamang sa lahat ng edad ang halaga nito.

Iba’t ibang kiosk din ang matatagpuan sa loob ng The Orchid mula sa lutong Kapampangan, hanggang sa lutong banyaga gaya ng Korean, Chinese, at iba pa.

Dagdag pa ni Lagman, ang pinaka layunin nila sa pagtatayo ng pasyalan na ito ay hindi lang para sa pangkabuhayan kundi dahil nais nilang maghatid ng tuwa at saya sa kanilang kapwa.

Bukas din aniya ito mula 5pm hanggang 12mn dahil nais nito na talagang magkaroon ng sapat at mahabang oras ang mga magpapamilya na mamasyal ng magkakasama.

Kaya naman hinihikayat din nito ang mga Pilipino hindi lamang sa Pampanga kundi maging sa mga karatig na lugar na bumisita na sa The Orchid Garden at damhin ang himig ng Paskong Pinoy.

‘‘Saan man kayong sulok ng bansa, welcome po kayo dito sa nights of light dito sa The Orchid Garden, na matatagpuan dito sa The Orchid Garden Resorts Complex, sa San Fernando, Pampanga,’’ aniya Lagman.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter