NASA 1,436 na local government units o LGUs sa bansa ang nagdeklarang persona non grata sa grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), mula sa bilang na 1,715 mga LGU sa Pilipinas.
Sinabi ni DILG Undersecretary at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Jonathan Malaya, ang higit 1,400 na bilang ay 84% ng mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Binigyang diin ni Malaya na ang naturang pasya ng mga LGUs ay taliwas sa naging pahayag ng CPP-NPA na suportado sila ng mamamayang Pilipino.
Mababatid na sa National Capital Region (NCR), kasama sa mga nagpasa ng resolusyon na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang persona non grata sa kanilang syudad ang Las Piñas, Mandaluyong, Muntinlupa, Navotas, Valenzuela, Caloocan City, Pasig, Quezon at San Juan.
Aniya, anim na rehiyon na ang nakamit ang 100 percent na deklarasyon laban sa makakaliwang grupo, kabilang na ang Central Luzon, MIMAROPA, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, SOCCKSARGEN at Cordillera Administrative Region (CAR).
Habang ang Ilocos Region, Cagayan Valley, CALABARZON at Northern Mindanao ay nagpasa na ng kanilang resolusyon na nagdedeklara ng persona non-grata sa CPP-NPA.
Sinabi ng DILG na patuloy na tinitiyak ang “tunay” na kapayapaan ay makakamit sa mga pamayanan sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa.
Kabilang sa programa ang Retooled Community Support Program, Capacitating Urban Communities for Peace and Development, Barangay Development Program (BDP) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program o (ECLIP).
(BASAHIN: 13 barangay sa Panay Island, nagdeklarang persona non grata ang NPA)