BIBIGYAN ng due process ang mga operator at driver ng non-consolidated public utility vehicles (PUVs) at papayagan pa ring makapag-operate hanggang Enero 2024.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) – Office of Transportation Cooperatives Chairperson Jesus Ferdinand Ortega sa Bagong Pilipinas ngayon nitong Huwebes.
Sinabi ni Ortega na ang mga hindi nag-consolidate ay bibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag at magproseso.
Inilahad ni Ortega na ang proseso ay tatagal sa buong buwan ng Enero o 30 araw, ngunit idiniin na minamandato pa rin ang consolidation.
“Para lang maging klaro tayo… pagdating ng January, iyong mga hindi nag-consolidate, tuloy pa rin naman iyang bibiyahe dahil we will give them due process. May proseso po ang LTFRB na gagawin sa kanila – they will be given a chance to explain, they will be given a chance to process para finally, sa dulo naman po ay maibibigay sa kanila iyong desisyon ng LTFRB wherein kapag hindi nga sila nag-consolidate, sila ay hindi na puwedeng tumakbo,” ayon kay Jesus Ferdinand Ortega, Chairperson, DOTr–Office of Transportation Cooperatives.
Samantala, binanggit ni Ortega na patuloy ang pagdagsa ng transportation cooperatives at asosasyon sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) para i-consolidate ang kanilang mga unit.
Ito ay sa gitna ng deadline ng PUV consolidation na nakatakda sa Disyembre 31, 2023.
Ibinahagi ni Ortega na sa kanilang huling tala, umabot na sa 70% units ng PUV ang na-consolidate na para sa PUV Modernization Program.
Ito aniya ay lagpas na sa target ng pamahalaan na 65% units ng PUV ang magko-consolidate.
Kasunod nito, inaasahan ng DOTr na tataas pa sa 70% ang maiko-consolidate hanggang sa nabanggit na deadline.
“Ang target natin kasi diyan base sa studies ay mga 65% that is already enough. But we reached already 70% at tuluy-tuloy pa po iyan ha, tuluy-tuloy pa po iyong pumupunta sa amin so definitely, we will go beyond 70%,” dagdag ni Ortega.