HINDI na kailangan ng loyalty check sa hanay ng pambansang pulisya para ipakita ang buong suporta sa Marcos administration.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo sa panayam ng media.
Ayon kay Col. Fajardo, siyento porsiyentong nasa likod ng Presidente ang buong hanay ng PNP.
Ilocos Region PNP, naglabas ng manifesto bilang suporta kay PBBM
Samantala, nitong nakaraang araw, isang manifesto of support ang inilabas ng Police Regional Office Ilocos Region para ipakita ang kanilang solidong pagsang-ayon sa liderato ni Pangulong Marcos bilang commander in chief.
Sa naturang manifesto, pinangunahan mismo ni PRO1 Director Brigadier General Lou Evangelista at mga nasasakupang chiefs of police nito sa rehiyon bilang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa Konstitusyon.
Pinabulaanan din ng PRO1 ang nasabing tangkang destabilisasyon at wala aniya silang namamataang kahalintulad na hakbang mula sa kanilang hanay.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng PNP, bagamat hindi naman nila ipinag-utos ang hakbang ng PRO1, pero malaking bagay pa rin anila ito para patunayang buo at nagkakaisa ang hanay ng pambansang pulisya.
Sa kabilang banda, matapos na sampahan ng kaso ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. si Army Retired BGen. Johnny Macanas Sr. dahil sa umano’y paglabag sa Anti Cybercrime Law, tiniyak ng PNP ang due process laban sa akusado.
Sa kaniyang latest vlog, bagamat nakahanda si Macanas na sagutin ang reklamo laban sa kaniya pero tanging hiling lamang nito ang patas na trato sa proseso ng batas.