NAGKASUNDO ang China at Pilipinas na paunlarin ang kanilang maritime communication at ayusin ang tunggalian o pagkakaiba sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan lalong-lalo na kung may kaugnayan sa South China Sea.
Ito ang naging resulta ng pag-uusap nina China Assistant Foreign Minister Nong Rong at Philippines Foreign Ministry Usec. Theresa Lazaro sa ginawang China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea sa Shanghai kamakailan.
Sa pahayag ng dalawang opisyal, ang maayos na pag-uusap ay daan tungo sa kapayapaan.
Bago pa man ang kasunduang ito ay bahagyang hindi na maayos ang ugnayan ng China at Pilipinas dahil sa sunud-sunod na isyu hinggil sa South China Sea.
Kamakailan lang din ay ipinatawag ng Chinese Foreign Ministry si Philippine Ambassador to Beijing Jaime FlorCruz para magpaliwanag kaugnay sa congratulatory message ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa bagong halal na Taiwanese president na si Lai Ching-te.
Ang pagbati naman ni Pangulong Marcos ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay bilang pagpapasalamat sa pagtanggap at pangangalaga sa halos 200 libong overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Taiwan.