DUMATING na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Melbourne nitong Linggo kung saan siya at ang Philippine delegation ay malugod na sinalubong ng mga opisyal ng gobyerno ng Australia para sa ASEAN-Australia Special Summit.
Dumating sa Melbourne airport ang eroplanong lulan ng Pangulo 7:15 pm local time (4:15 pm Manila time).
Ang paglahok ni Pangulong Marcos sa summit ay nagbibigay ng pagkakataon para sa Pilipinas na maiparating ang mga pangunahing posisyon nito sa mga isyung pangrehiyon at internasyonal.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang gobyerno ng Australia sa walang patid na suporta nito sa rule of law.
Samantala, inaasahang magsasagawa ang Pangulo ng mga bilateral meeting kasama ang mga punong ministro ng Cambodia at New Zealand upang higit na palakasin ang kooperasyon ng mga bansa.
Makikipagpulong din si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Melbourne at isusulong ang negosyo sa pamamagitan ng Philippine Business Forum ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang bilateral na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Australia ay umabot ng 77 taon mula nang itatag ito noong Hulyo 4, 1946.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos at ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang isang kasunduan noong Setyembre ng nakaraang taon, na nag-angat sa bilateral na relasyon ng Pilipinas at Australia mula sa komprehensibo tungo sa strategic partnership.
Patuloy na sinusuportahan ng Australia ang Pilipinas bilang ika-11 pinakamalaking pinagmumulan ng kabuuang Official Development Assistance (ODA) sa bansa na may mga grant commitment na nagkakahalaga ng US$180.4 milyon.
Ang Australia ang nagsisilbing pangalawang tahanan sa hindi bababa sa 408,000 Filipino at Australian na may lahing Filipino.